Ang iba pang pananaliksik na aming ginawa ay ang pagkalap ng mga artikulo at datos na magbibigay suporta sa aming mga nakuhang sagot mula sa aming pakikipanayam. Bilang pangunahing pangangailangan ng tao, ang kalusugan ay dapat bigyan ng higit na pansin. Ayon sa resulta ng ginawang survey ng Pulse Asia, 63% ng mga Pilipino ang intinuturing na pangunahing pangangailangan ang kanilang kalusugan. Gayunpaman, ang sistemang pangkalusugan sa Pilipinas ay hindi gaanong nabibigyang importansiya. Ayon sa Department of Health, noong 2009 ay may kabuuang 94,199 hospital bed ang Pilipinas; ito ay 1.04 na kama sa bawat isang libong Pilipino. Ito ay mababa kung ikukumpara sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na 20 hospital bed sa bawat 10,000 ng populasyon. Mula sa mga datos na ito, makikita agad na talagang kulang ang isa sa pinakamahalagang aspeto ng isang ospital at iyon ang hospital beds.
Mula naman sa dokumentaryong, "Lunas na 'Di Maabot" ng Reporter's Notebook, tinalakay dito ang kakulangan sa mga gamot at tauhan ng isang barangay health station na nagsisilbi ding pagamutan para sa tatlo pang barangay. Sa dokumentaryong ito, ipinakita ang istorya ng ina ni Marvin na si Marietta. Dalawang taon nang tinitiis ng kanyang ina ang bukol sa dibidib nito. Bawat sentimong kanilang kinikita ay mahalaga kaya naman ay dahil kapos, hindi nakapagpasuri agad si Marietta sa isang doktor. Ngunit sa tulong ng kanilang lokal na pamahalaan, matagumpay na natanggal ang bukol sa kanyang dibdib. Gayunpaman, kailangan niya ng gamot upang tuluyang gumaling. Subalit, ang kanilang inaasahang tulong mula sa kanilang barangay health center ay hindi naibigay. Kulang ang mga gamot at wala ring permanenteng midwife sa kanilang lugar. Dahil dito, makikita na hindi desentralisado ang mga institusyon para sa pag gagamot dahil hindi sapat ang mga health centers sa bawat barangay sa buong Pilipinas. "Ika nga, "Ang unang takbuhan ng mga residenteng may karamdaman ay malubha rin ang kalagayan."
Hindi lang sa mga health center ang may kakulangan sa tauhan ngunit katulad sa mga nakuhang sagot mula sa panayam, ang mga doktor, nars, at iba pang nasa medikal na propesyon ay kulang ayon rin kay Sen. Sonny Angara. Base sa tala ng Philippine College of Physicians, dalawa hanggang tatlong doktor, nars, at midwives ang nagsisilbi para sa bawat 10,000 katao. Tulad sa isyu ukol sa hospital beds, malayo ito sa rekomendasyon ng WHO na dapat ay hindi bababa sa 23 na medikal na propesyonal ang nakalaan para sa sampung libo na ito. Nakakabahala rin na ang Pilipinas ay mayroong 1:50,000 na ratio ng psychiatrist at populasyon. Dahil dito, ang panukala na Senate Bill 1157 o ang panukalang medical scholarship program ay kinakailangan ng agarang pagpasa ayon kay Angara. Hindi lamang ito makatutulong sa mga mahihirap na nais na makapag aral ngunit maaari rin itong solusyon sa kakulangan sa tauhan.
Makikita na hindi lamang sa Hospital X ang mayroong kakulangan sa pasilidad, gamot, at tauhan dahil makikita na ayon rin sa aming nakalap, laganap ang problemang ito sa buong Pilipinas kaya't dapat ay mabigyan na agad ito ng solusyon.
-BRINGUELO
-BRINGUELO